COMPLETE TRANSCRIPT OF PRES. AQUINO'S SPEECH ON CHIEF JUSTICE CORONA'S IMPEACHMENT
by ANC 24/7 on Tuesday, December 13, 2011 at 12:43pm
PAHAYAG NI PANGULONG BENIGNO S. AQUINO III SA PAGPAPASA NG IMPEACHMENT
LABAN KAY CHIEF JUSTICE RENATO CORONA
Nang hinikayat ako ng taumbayan na tumakbo para sa pagka-Pangulo, alam ko naman pong marami akong mamanahing problema. Mulat din po ako na kaakibat ng pagtanggap ng hamon, ay ang responsibilidad na solusyonan ang mga problemang ito.
Isa sa ating ipinangako sa taumbayan ay isang sistemang pangkatarungan kung saan ang gawaing masama ay may kaukulang kabayaran. Simula pa lamang po, inasahan na sa akin ng taumbayan ang paglalatag ng proseso upang pasagutin si Ginang Arroyo sa mga katiwaliang lumaganap diumano sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Marangal at maayos po nating sinubok na isulong ang prosesong ito sa pamamagitan ng Truth Commission, ngunit unang hakbang pa lamang natin, hinarang na agad ng Korte Suprema sa ilalim ng Punong Mahistradong si Renato Corona. Hindi po kami sang-ayon, pero pinilit po naming sundin ang kanilang desisyon, bilang paggalang sa institusyon ng Korte Suprema.
Di nagtagal, tinangka nilang pigilin ang pagsulong ng impeachment laban kay dating Ombudsman Merceditas Gutierrez. Di po ba iyon pag-atake sa Lehislatura, na may natatanging kapangyarihan sa larangan ng impeachment? Idiin ko lang po-- natatangi ito sa Lehislatura lamang-- hindi kahati ang ehekutibo, hindi kahati ang hudikatura, dahil ito nga po ang tinatawag na check and balance. Pansinin po natin ang Saligang Batas; hinati ang poder ng bayan sa tatlo. Ayon sa Article VI, Sec. 1:
"Nakasalalay sa isang Kongreso ng Pilipinas ang kapangyarihan ng pagsagawa ng batas, na dapat binubuo ng isang Senado at isang kapulungan ng mga kinatawan."
Ayon naman sa Article VII, Sec. 1:
"Ang kapangyarihan ng tagapagpaganap ay nakasalalay sa Pangulo ng Pilipinas."
Sa Article VII, Sec. 1 naman po:
"Nakasalalay ang kapangyarihang panghukuman sa isang Kataas-taasang Hukuman at sa mga nakakababang Hukuman na maaaring itatag ng batas."
Pasensya na po kung makulit, ngunit kailangan kong idiin:
Hinadlangan ang lehislatura na siyang tanging may poder sa larangan ng impeachment; bago pa po masimulan ang trabaho ay pinigilan na sila, at sinubukang bawasan ang kanilang poder. Sa kabila nito, tinanggap natin ang desisyon, at buti na nga lamang ay kusang nagbitiw sa puwesto si Ginang Gutierrez.
Tayo pa po noon ang nagmungkahi sa Kongreso, kailangan nilang magpamalas ng hinahon at pagtitimpi. Nakita naman po ninyo: hindi tayo likas na pala-away. Simula pa lamang po, may nagsabi nang hindi magiging parehas si Ginoong Corona; siguradong magkakaroon ng kuntsabahan; malaki masyado ang kanyang utang ng loob sa nagsiksik sa kanya sa puwesto. Ngunit pinilit pa rin po nating makisama sa Korte Suprema sa ilalim ni Ginoong Corona; umasa tayong mananaig ang katarungan, kaysa sa pagkakatali niya kay Ginang Arroyo.
Pero ano po ang nangyari? Nitong ika-15 ng Nobyembre, sa kabila ng lahat ng pagsunod natin sa patakaran at proseso, ay nag-isyu ng TRO ang Korte Suprema para hayaang makaalis ng bansa si Ginang Arroyo. Tanong po natin: tinawag ba ang mga doktor para alamin ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan, at kung talagang may life and death situation, bago inihain ang TRO? Makatarungan po bang nabalanse ang karapatan ng iisa, kontra sa karapatan ng nakararami at ng estado? Agad pong ibinaba ang TRO nang hindi man lamang dininig ang panig ng gobyerno. Pilit po nila itong iginigiit, bagaman hindi natupad ni Ginang Arroyo ang lahat ng mga kundisyong na ang Korte Suprema rin naman ang nagtakda. At nang pinilit ng spokesman niya na may bisa ang TRO kahit di naabot ang kundisyon, hindi man lang siya itinama ng Punong Mahistrado.
Sa ganitong lantarang pagtanggal ng piring ng katarungan, kailangan po nating tanungin ang sarili: hanggang kailan tayo magtitiis, hanggang kailan tayo uunawa, hanggang kailan tayo magpapasensya? Sobra-sobra na ang ebidensya; aasa pa ba tayong magbabago si Ginoong Corona?
Naging kumbinsido po tayo na pagdating kay Ginang Arroyo, walang tama o maling kinikilala si Ginoong Corona.
Walang patutunguhan ang ating pagsisikap kung bago pa man tayo dumulog sa husgado ay kargado na pala ang timbangan.
Malinaw po ang katotohanan: Si Ginoong Corona ay itinalaga sa Korte Suprema, hindi bilang alagad ng katarungan, kundi bilang alagad ni Ginang Arroyo.
Siguro nga po napakatagal na ng kanilang pinagsamahan-- Bise Presidente pa lamang si Ginang Arroyo, katiwala na niya si Ginoong Corona. Para po sa kanya, mukhang sapat na ang samahang ito para paulit-ulit na isangkalan ang integridad ng Korte Suprema.
Hindi po ako ang sumisira sa kanyang institusyon; sa kanyang pagtanggi na panagutin si Ginang Arroyo, inuubos ni Ginoong Corona ang dangal ng Korte Suprema.
Kahapon, kayong mga miyembro ng Kamara de Representante ay nakalikom ng sapat na lagda upang ipasa ang Articles of Impeachment laban kay Ginoong Corona. Iaakyat na po ito sa Senado, kung saan isasakdal siya alinsunod sa isang prosesong nakasaad sa ating Saligang Batas.
Ipinakita ng ating Lehislatura ang kakayahang ipagtanggol ang interes ng sambayanan nang walang paliguy-ligoy, nang may katapatan sa tungkulin, at nang may pagkilala sa pagdurusang dinaraanan ng taumbayan, na siya ninyong kinakatawan.
Ngayon po, sa harap ng tamang tanggapan, magkakaroon ng pagkakataon si Ginoong Corona na tugunan ang mga paratang, at panagutan ang diumano'y kanyang mga kasalanan. Lilitisin po siya sa ilalim ng isang prosesong magbubunyag sa taumbayan ng buong katotohanan ukol sa kanyang pagkakanulo sa tiwala ng publiko, at sa tahasang paglabag sa Saligang Batas.
Ginoong Corona: Sa Kongreso at Senado, harapin mo ang pinagmulan ng poder mo: Ang taumbayan.
Hanggang ngayon po ay bumabagabag sa isipan ko ang epekto ng mga desisyon ni Ginoong Corona sa karaniwang mamamayan. Halos tuliro na po ang ilang lungsod at munisipyo sa urong-sulong na pagdedesisyon ng Korte Suprema sa kaso ng League of Cities of the Philippines. Mantakin po ninyo: mula nang ipawalang-bisa ng Korte Suprema ang pagdeklara ng labing anim na munisipyo bilang lungsod, nagawa nilang i-reverse, ang reversal, ng reversal, ng orihinal na desisyon. Hilong-hilo po, hindi lamang ang LCP at ang mga bayang kasangkot dito, kundi maging ang taumbayang naiiwang nakalutang sa walang katiyakan. Perhuwisyo ang dulot nito sa mga miyembro ng LCP, tulad ni Mayor Oca Rodriguez, na nawalan ng dalawampu't pitong milyong pisong IRA, at napilitang itigil muna ang pagpapatayo ng mga silid aralan sa San Fernando, Pampanga. Isandaan milyong piso naman ang naglaho sa pondo ng Puerto Princesa, habang limampung milyon naman ang nabawas sa IRA ng Pagadian. Sa loob ng dalawampu't pitong buwan, habang nangyayari ang pagbali-baliktad ng kaso, hindi naman makapagplano nang tama ang mga bayan at lungsod, dahil sa wala silang katiyakan kung magkano ang matatanggap nilang IRA.
Nakapagtataka rin ang pagbaliktad ng Korte Suprema sa kaso ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines. Noong Hulyo ng 2008, nagbaba sila ng desisyong nagsasabing ilegal ang pagpapatalsik sa isanlibo at apatnaraang kasapi ng FASAP. Naghain ng motion for reconsideration ang PAL noong ika-20 Agosto, 2008. Ikalawa ng Oktubre ng 2009, inilabas muli ang desisyon ng Korte Suprema, panig pa rin sa FASAP; pinal na raw ito, at "no further pleadings shall be entertained." Sa kabila nito, noong ikalawa ng Enero, 2011, naghain pa rin ng motion for reconsideration ang PAL, at sa ikapito ng Setyembre ng naturang taon, nagsalita na naman ang Korte Suprema. Inulit nila: panalo ang FASAP. Ngunit pinilit pa rin ng abugado ng PAL na sulatan ang Korte Suprema. Ano po ang nangyari? Noong ika-apat ng Oktubre, binawi nila ang huling resolusyon para sa kaso, at ini-raffle muli ito. Isang liham lang pala mula sa abugado ng PAL ang kailangan para bawiin ang hatol sa kasong makailang ulit na nilang pinatawan ng desisyon. Saan po naman kaya lalagay ang mga kasapi ng FASAP sa ganitong klaseng kalakaran?
Isa pa po: Naalala naman po siguro ninyo ang aking Executive Order 2, na nagpapa-walang-bisa sana sa lahat ng midnight appointees ni Ginang Arroyo. Kabilang po sa mga ito si Ginang Bai Omera Lucman, na itinalaga sa National Commission on Muslim Filipinos. Nabigyan po siya ng Status Quo Ante Order ng Korte Suprema, at ngayon po ay nandun pa siya sa NCMF, kung saan siya nagpapakita ng ibayong husay sa pagkapit sa puwesto.
Ano po ba ang ginawa ni Ginang Lucman? Heto po ang kuwento: inalok tayo ng Saudi Arabia; labindalawang libong katao ang puwedeng ipadala ng Pilipinas sa taunang Haj pilgrimage sa Mecca. Ang sabi ni Ginang Lucman, "huwag na, apat na libo lang okey na kami." Pero ang tinanggap at pinagbayad po niyang aplikante, limanlibo katao. Maski nahihiya tayo, napilitan tayong sumulat sa Hari ng Saudi Arabia, upang humingi ng dagdag na isanlibong VISA, para naman makatulong sa mga pinerhuwisyo ng NCMF. Kahit po medyo huli na, at salamat nga po sa Hari ng Saudi Arabia, binigyan pa tayo ng pahintulot para sa dagdag na limandaang katao. Ngunit paano naman po ang limandaang hindi nabigyan, ngunit nakabayad na?
Kamakailan lamang po, pinaulanan ng bala ang isa sa mga opisina ng NCMF. Sana naman po ay wala itong kinalaman sa palpak na pamamalakad ni Ginang Lucman. Naisip po kaya ni Ginoong Corona ang implikasyon ng kanyang desisyon? Mga Pilipinong di makapanampalataya nang maayos, at peligro sa buhay ng staff ng NCMF, ang naging bunga ng isang atas na malinaw na ginawa para manatili sa puwesto ang kapwa niya alagad ni Ginang Arroyo.
At maaasahan po kaya natin ang lantad at patas na kilos mula kay Ginoong Corona, kung ang sarili niyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ay di niya isinisiwalat? Nakasaad po iyan nang malinaw sa Article XI, Sec. 17 ng Saligang Batas: ihahayag sa publiko ang SALN ng Pangulo, Bise-Presidente, Kasapi ng Gabinete, Kongreso, at Korte Suprema, ng mga Constitutional Commission at iba pang constitutional offices, at ng mga heneral o flag rank ng Sandatahang Lakas. Taunan po natin itong inaabangan. Kailan po ba kayo huling nakakita ng SALN ng mga mahistrado ng Korte Suprema?
Ang lahat po nito ay malinaw na paglapastangan sa kapangyarihang kaloob sa kanya ng taumbayan. Dumadaan tayo ngayon sa isang proseso upang pigilan ang patuloy na pagdurog ng iisang pariwarang mahistrado sa sagradong institusyon ng Korte Suprema: isang institusyong inaasahan ng taong maging bukal ng katuwiran at sandigan ng patas at walang-kinikilingang katarungan. Hindi po tayo magpapamana sa susunod na salinlahi ng isang Korte Supremang pugad ng katiwalian.
Ako po'y nagagalak na bagama't may makinaryang pilit inilalayo ang usapin sa tunay na isyu, nagkakalat ng duda, at sinusubok na tayo'y pag-away-awayin, matibay pa rin at lalo pang lumalakas ang suporta sa atin ng taumbayan. Patuloy po sana nating tutukan ang mga kaganapan; makilahok tayo sa mga usapan; at kumapit po tayo sa makatarungan.
Kinabukasan po ang ating hinuhubog ngayon. May responsibilidad tayo sa ating mga sarili, sa ating kapwa Pilipino, at lalo na sa salinlahing paparating pa lamang. Isa lang ang pinagpipilian natin: tanggapin ang kasalukuyang situwasyon na hindi tumutugon sa kagustuhan at pangangailangan ng nakararami-- o itulak ang pagbabago, at bumuo ng sistema kung saan mananagot ang may kasalanan, maski sino ka man!!
Kapit tuko pa rin po ang mga nakinabang sa pagyurak sa sambayanan. Huwag po natin hayaang imaneobra ang katarungan para gawing itim ang puti, o gawing tama ang mali. Hindi po natin ginustong humantong sa ganitong pagkakataong malamang magiging masalimuot, pero hindi rin po natin matitiis ang patuloy na pagdurusa ng taumbayan. Hindi natin kayang maging taksil sa sinumpaang panata.
Pagkatapos po ng prosesong ito, sinisiguro ko: May naitindig na tayong mas matibay na mga institusyong kaytagal pinahina ng nakaraang administrasyon. Ito po ang ating ipamamana sa susunod na salinlahi. Nananalig akong tayo'y magtatagumay dahil tayo'y nasa tama, at hangad natin ang ikabubuti ng nakararami. Sa lahat ng Pilipinong naghahangad ng malawakan at makabuluhang pagbabago, abot kamay na po natin ito; nakikita ko na ang tagumpay kung bawat isa sa atin ay gagawin ang nararapat at makatuwiran. Hayaan po nating kunsensya ang magtimon sa atin.
Maraming, maraming salamat po.